Cine Borromeo sa Pulang Araw
Maliban sa kinikilalang reyna ng jazz at bodabil na si Katy de la Cruz, nagbigay-pugay rin ang TV writer na si Suzette Doctolero sa hari ng Filipino Jazz sa kaniyang historical drama series na “Pulang Araw.”
Ang apelyido ng karakter ni Epy Quizon na si Julio Borromeo ay hiniram mula sa apelyido ng hari ng Jazz na si Luis Borromeo.
Ang tunay na Luis Borromeo
Si Luis Borromeo, kilala sa tawag na Borromeo Lou, ang tinaguriang ‘King of Jazz’ noong 1910 hanggang dekada ‘30. Maliban sa jazz, pinasikat niya rin ang bodabil at mga kantang inalay para sa Carnival Queens na sina Mercedes Montilla at Pacita de los Reyes.
Isang tubong Cebu, si Borromeo ay nagmula sa mayamang pamilya.
Maaga pa lang ay tinuruan na siya ng musika sa Leyte at lumipad patungong Estados Unidos upang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral ng piano.
Noong 1915, dumalo si Borromeo sa Pan Pacific International Exposition sa San Francisco, kung saan na-impress ang audience sa galing niya sa piano.
Sa sumunod na tatlong taon, nagtanghal siya sa mga Orpheum theaters sa buong Estados Unidos gamit ang stage name na Borromeo Lou.
Naging bahagi rin siya ng D’avigneau’s Originals kasama ang dalawang Chinese Americans. Nag-perform ang trio ng jazz music na nakasuot ng ethnic Chinese costumes, at nakilala sa kanilang ‘oriental syncopation.’
Noong 1921, bumalik siya sa Pilipinas upang magtanghal sa Manila Carnival at bumuo ng isang classical jazz band. Ang genre ay kalaunang humantong sa kaniyang bodabil acts, na nakilala bilang Borromeo Lou Follies.
Teatro o Cine?
Sinagot rin ni Doctolero ang aming katanungan kung bakit Cine Borromeo ang pangalan ng teatrong pinagtatanghalan ng "bodabil" sa serye gayong ang salitang "cine" ay ginagamit para sa mga lugar na pinagtatampukan ng mga pelikula.
Aniya, noong panahong iyon ay manu-mano pa ang pag-iikot ng mga reel ng pelikula. Nakakapagod ang pag-iikot ng rolyo ng pelikula kaya't pinagpapahinga ang projectionist sa kalagitnaan ng palabas.
Habang naghihintay ang mga manonood sa sinehan ay nagpapalabas ang mga impresario (producers) ng bodabil upang hindi mainip ang kanilang mga parokyano.
Maliban sa mga real-life na mga lugar, tampok din sa Pulang Araw ang real-life characters tulad ng reyna ng bodabil na si Katy de la Cruz, ang comedic duo na sina Pugo at Togo, ang broadcaster na si Valeria Panlilio, si Dolphy, at marami pang iba.
Subaybayan at 'wag palampasin ang Pulang Araw, gabi-gabi 8 p.m. sa GMA Prime!